Thursday, March 27, 2008

INSTANT NOODLES

INSTANT NOODLES
By SIGFREID BARROS-SANCHEZ
(Published in the November 2000 issue of The Engineering Logscript,
the official student publication of the UP College of Engineering)

ibinenta ka sa halagang limang piso
sabay inilubog sa marami-raming kumukulong tubig
tatlong minuto kang pakukuluan
at kapag luto na, hahanguin
saka ilalagay ang mga pampalabok
na hitik na hitik sa mga kemikal
na balang araw ay papatay sa kanila
kung may pera pa, lalagyan ka ng isang itlog
at ilang mga gulay na napulot
sa maputik na kalsada ng Divisoria

ihahain ka sa apat na anak
at aasang mapapatalino mo at mapapalusog sila
accepted ka kasi ng DOH
at may sangkap-Pinoy, sabi ng pakete
hihigupin nila ang mainit mong sabaw
na wala nang lasa sa dami ng tubig
nanamnamin nila ang hibla mo
baka nga naman may naligaw
na totoong chicken o beef
matutulog sila at magkukunwaring busog
bukas, iisipin muli kung saan kukunin
ang ipambibili sa iyo
ano'ng timpla? ano'ng rekado?
anong brand ng instant noodles?

Nissin's, Maggi, o Lucky Me?

ibinenta tayo sa dayuhan sa halagang mamiso
na naglulubog sa ekonomiya sa kumukulong mantika
minu-minuto kapag pinakukuluan
sa suweldong hilaw at madaling hanginin
bibilugin tayo ng mga pangakong mapalabok
habang sa trabaho'y niluluto sa init at kemikal
na balang-araw ay papatay sa atin
pinararami natin ang kanilang pera at pinalalaki ang itlog
at kapag gulay na ang mga katawan
itatapon tayo sa maputik na kalsada ng Divisoria

pagkatapos, ano ang ihahain sa apat na anak?
paano tatalino at lulusog sa kitang di sapat?
i-a-accept tayo ng DOH
na may sakit-Pinoy, sabi ng x-ray
nahigop na ang baga natin,
halos wala nang natitira at tinutubig
malapit nang namnamin ng uod
ang hibla ng buhay ng bawat isa
at gawing pagkain
ng mga chicken at beef
di tayo makatulog, ni magkunwaring busog
bukas, iisipin muli kung may kukunan pa ba
ng perang ipambibili
ano'ng ipantitimpla? ano'ng irerekado?
kahit na anong brand ng instant noodles.

lucky me nga ba?

2 comments:

  1. yes. ganito talaga. dapat mabago na diba. lucky me nga ata ang ulam ko mamaya. pero may rice namang kasama. hehe

    ReplyDelete