Saturday, January 16, 2010
Gibo, bigo sa kabataang artista
Paggamit ng ‘Posible’, kinundena
“Bigo si Gibo na makukuha ang boto ng mga kabataang artista.”
Kinundena ng Kabataaang Artista Para Sa Tunay Na Kalayaan (KARATULA),
pambansang organisayon ng mga kabatang artista, ang paggamit ni Gilbert
Teodoro ng kantang “Posible” ng mang-aawit na si Rico Blanco sa kanyang mga
kampanya at patalastas sa telebisyon sa kabila ng pagkwestyon ng musikero
at ng Warner Music Philippines.
“Nagulat ako nang mabalitaan ko na ginamit ang kanta nang walang paalam,
maski ang paggaya ng boses nij Rico Blanco. Pinakita ni Gibo ang kawalan
pakialam niya sa batas ng Intellectual Property at respeto sa mga artista
at sa kanilang sining,” sabi ni Ana Tarina Lulu, Pambansang Tagapangulo ng
KARATULA .
Kinikilalang idolo at music icon si Rico Blanco ng maraming kabataang
Pilipino. Patunay sa mataas na respeto ng mga kabataan sa kanya ang tweet,
isang social networking, ni Blanco tungkol sa mga estudyanteng hayskul na
nagpapaalam pa sa kanya upang gamitin nila ang kanyang mga kanta sa
kanilang proyekto, kahit hindi naman kailangan, ayon sa KARATULA
Dagdag ni Lulu, “Makapangyarihan ang mga kanta at jingles para sa kampanya
ng pagpapanalo sa isang kandidato. Pero kahit gaano pa man kalaganap ang
kanyang mga patalastas na puno ng ‘Galing at Talino’, hindi maitatago ang
kabulukan niya at ng kanyang amo na si Gloria Arroyo.”
Diin ng organisasyon, walang pinagkaiba si Gilbert Teodoro sa kanyang
kapartido na si Arroyo dahil ipagpapatuloy lamang niya ang mga
anti-artista, anti-kabataan, at anti-mamamayan na mga polisiya ng
nakaupong rehimen.
“Madilim ang huling siyam na taon para sa mga kabataang artista dahil sa
mga batas na kumikitil sa karapatan ng malayang pamamahayag tulad ng Right
of Reply Bill, di makatarungang kaso ng sensura sa mga artista na kritikal
sa kalagayan ng bansa, at mabahong rekord nito ng karapatang pantao. Dapat
managot si Gloria, kasama ang kanyang tuta sa depensa na si Gibo, sa
maraming paglabag nito sa karapatang pantao ng mga artista at mamamayan,”
sabi ni Lulu.
Nananawagan ang organisasyon sa mga kabataan na maging kritikal sa pagpili
ng mga kandidato at dapat masusing pag-aralan ang kanilang mga programa
kung tunay itong magsisilbi sa nakakararami. ###
(See attached file: Gibo Press Release.pdf)
Reference: Taren Lulu
National Chairperson, KARATULA
Kabataang artista, binatikos ang MTRCB
Kabataang artista, binatikos ang MTRCB
Suspension ng Showtime, kinuwestyon
“Zero!”
Ito ang iskor ng Kabataang Artista Para Sa Tunay Na Kalayaan (KARATULA), pambansang organisasyon ng mga kabataang artista, para sa MTRCB na nagpataw ng 20 araw na suspension ng MTRCB sa Showtime noong Enero 12, dulot ng mga pahayag ni Rosanna Roces sa kabila ng self-regulation ng ABS-CBN na tanggalin si Roces bilang isa sa mga hurado.
“Sa suspension ng Showtime, ang tunay na talo ay ang mga kabataang nais lamang ipakita ang kanilang sining at talento,” sabi ni Ana Tarina Lulu, Pambansang Tagapangulo ng KARATULA.
Sa tingin ng organisasyon, hindi maikakaila ang popularidad ng mga palabas sa telebisyon na nagpapamalas ng talento at pagiging malikhain ng mga Pilipino. Bukod sa premyo, nakikita ng mga lumalahok ang palabas bilang isang pagkakataon upang maipamalas ang kanilang talento at kanilang kultura, sa kabila ng kakapusan ng mga programa ng gobyerno upang itaguyod ang pagpapaunlad at pagtanghal sa kanilang sining.
“Sa hirap ngayon, nagdudulot ng panandaliang saya ang mga palabas na ito para sa mga manonood na gustong ma-aliw sa kabila ng lugmok na kalagayan na nararanasan ng maraming Pilipino araw-araw,” ani ni Lulu
Para sa organisasyon, bahagi ang suspension ng Showtime sa lumalalang listahan ng mga kwestyunable at nakababahalang kaso ng sensura na ipinapataw ng MTRCB sa ilalim ng rehimen ni Gloria. Banggit ni Lulu, “Madalas na biktima ang mga matatapang at mapangahas na mga artistang nagsisiwalat ng kalagayan ng lipunan at kritikal sa gubyerno.”
Ilan sa mga nasabing kaso ang pagpataw ng X rating ng MTRCB sa “Rights”, lipon ng mga pelikulang kritikal sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa mula sa iba’t ibang film makers, “Mendiola” ng Sine Patriyotiko at sensura sa pelikulang “Kinatay” ni Brillante Mendoza, na siyang umani ng papuri mula ibang bansa. Sa pelikula ni Joel Lamangan na “Dukot”, pinabura ang mukha ni Gloria sa iilang eksenang nag-uugnay sa kanya sa ekstra-hudisyal na pamamaslang. Dagdag ni Lulu, “pinapakita nito na ginagamit ang ahensya para sa pulitikal na represyon.”
Nananawagan ang KARATULA, kasama ng iba pang pangkulturang organisasyon at samahan ng mga artista, na muling suriin at pag-aralan ang tungkulin at Implementing Rules and Regulations ng MTRCB. Patuloy ang pangangampanya ng organisasyon sa pagtataguyod ng makabayan, siyentipiko, at makamasang sining at kulturang nagsisilbi sa interes at kapakanan ng aping mamamayang Pilipino. ###