Kabataang artista, binatikos ang MTRCB
Suspension ng Showtime, kinuwestyon
“Zero!”
Ito ang iskor ng Kabataang Artista Para Sa Tunay Na Kalayaan (KARATULA), pambansang organisasyon ng mga kabataang artista, para sa MTRCB na nagpataw ng 20 araw na suspension ng MTRCB sa Showtime noong Enero 12, dulot ng mga pahayag ni Rosanna Roces sa kabila ng self-regulation ng ABS-CBN na tanggalin si Roces bilang isa sa mga hurado.
“Sa suspension ng Showtime, ang tunay na talo ay ang mga kabataang nais lamang ipakita ang kanilang sining at talento,” sabi ni Ana Tarina Lulu, Pambansang Tagapangulo ng KARATULA.
Sa tingin ng organisasyon, hindi maikakaila ang popularidad ng mga palabas sa telebisyon na nagpapamalas ng talento at pagiging malikhain ng mga Pilipino. Bukod sa premyo, nakikita ng mga lumalahok ang palabas bilang isang pagkakataon upang maipamalas ang kanilang talento at kanilang kultura, sa kabila ng kakapusan ng mga programa ng gobyerno upang itaguyod ang pagpapaunlad at pagtanghal sa kanilang sining.
“Sa hirap ngayon, nagdudulot ng panandaliang saya ang mga palabas na ito para sa mga manonood na gustong ma-aliw sa kabila ng lugmok na kalagayan na nararanasan ng maraming Pilipino araw-araw,” ani ni Lulu
Para sa organisasyon, bahagi ang suspension ng Showtime sa lumalalang listahan ng mga kwestyunable at nakababahalang kaso ng sensura na ipinapataw ng MTRCB sa ilalim ng rehimen ni Gloria. Banggit ni Lulu, “Madalas na biktima ang mga matatapang at mapangahas na mga artistang nagsisiwalat ng kalagayan ng lipunan at kritikal sa gubyerno.”
Ilan sa mga nasabing kaso ang pagpataw ng X rating ng MTRCB sa “Rights”, lipon ng mga pelikulang kritikal sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa mula sa iba’t ibang film makers, “Mendiola” ng Sine Patriyotiko at sensura sa pelikulang “Kinatay” ni Brillante Mendoza, na siyang umani ng papuri mula ibang bansa. Sa pelikula ni Joel Lamangan na “Dukot”, pinabura ang mukha ni Gloria sa iilang eksenang nag-uugnay sa kanya sa ekstra-hudisyal na pamamaslang. Dagdag ni Lulu, “pinapakita nito na ginagamit ang ahensya para sa pulitikal na represyon.”
Nananawagan ang KARATULA, kasama ng iba pang pangkulturang organisasyon at samahan ng mga artista, na muling suriin at pag-aralan ang tungkulin at Implementing Rules and Regulations ng MTRCB. Patuloy ang pangangampanya ng organisasyon sa pagtataguyod ng makabayan, siyentipiko, at makamasang sining at kulturang nagsisilbi sa interes at kapakanan ng aping mamamayang Pilipino. ###
No comments:
Post a Comment