Friday, November 30, 2007

Repost: Bakit Flop ang ginawa nina Trillanes

Ang pagkabigo ng uprising ng mga Magdalo soldiers sa pamumuno ni Sen. Antonio Trillanes ay bunga ng maling taktika. TAMA ang kanilang pagpanawagan na suportahan sila ng mga mamamayan dahil nagpapakita ito ng pagkilala sa prinsipyo ng mamamayan ang mapagpasya. Ang MALI dito ay kung paano nila naipatupad ang prinsipyo na ito. Kung batay lang sa kasaysayan ng mga nakaraang People Power, parehong mahalaga ang pagbaliktad ng militar at ang pagkilos ng mamamayan.

 

Pero sa nangyari kanina, pinakita nito ang dogmatic na pagsuri nila Trillanes sa sitwasyon. Marami ukol sa nangyari kanina ay pwedeng ihambing sa mga pangyayari sa Edsa 1. May mga bumaliktad na militar. Sila ay nagtago sa isang lugar, kung dati ay isang kampo, ngayon ay hotel. May mga obispo rin na nanawagan na suportahan sila.

 

Pero dito nagtatapos ang pagkakapareho. Sapagka’t HALOS WALANG mamamayan na nasa likuran nila kanina. Samakatuwid, walang mapagpasya kanina. Habang sa mga ilang lugar tulad ng Diliman Campus ng  Unibersidad ng Pilipinas ay nagkaroon ng mga kilos protesta, ito ay walang koordinasyon sa mga nasa likod ng insident sa Peninsula Hotel.

 

Ang mga nasa likuran nito ay malinaw. Ang mga nakasama agad ng mga Magdalo ay mga katulad ni former UP President Dodong Nemenzo, JV Bautista, at Argee Guevara. Sa paligid naman ng hotel, na halos hindi makita ng media, ang mga iilang napadala ng mga organisasyon kung saan kilala ang mga nabanggit sa taas na mga lider nito.

 

Dito papasok ang unang problema. Inuto nila ang mga Magdalo, pati na rin ang mga obispo at si dating Bise-Presidente Teofisto Guingona na ilunsad ang naganap na insident. Marahil ay mga pangako na kaya nilang magpadala ng sapat na tao para magkaroon ng critical mass.

 

Hindi na kailangang sabihin na ito ay miserableng sumablay.

 

Bakit? Papasok tayo sa pangalawang problema. Kung susuriin natin ang mga kaalyadong grupo sa UP ng mga nabanggit sa taas, hindi sila maramdaman kanina. Wala sa kanilang kumilos para magimbita sa estudyante kahit na suportahan man lamang ang pagkilos ng mga taga Magdalo. Bagkus, marami sa mga indibidwal na miyembro nila ay nangungutya pa buong konsepto ng naganap kanina. Ang pagpanawagan sa pagsangayon sa mga rason na binanggit ng mga Magdalo para patalsikin si Gloria ay napunta pa sa kamay ng mga grupo na matagal ng kinukutya ng mga kaalyado nila Nemenzo, Bautista, et. al.

 

May schizophrenia ang mga grupo na ito. Dahil sa kanilang pagdala sa ilusyon ng multi-perspectivism at sa pagpapanggap na hindi sila dogmatic, napaparalisa ang kanilang pagkilos. Sa kanilang nais na magmukhang tinatanggap nila ang lahat ng ideya (na hindi rin naman totoo), wala silang patutunguhan. At para mapagtakpan ito, ang mga lider nila ay gumagawa ng mga sobrang radikal, na humahantong na sa extremist, na mga panawagan.

 

Nakakaawa ang mga obispo, sundalo, at si Guingona dahil nahuli sila sa pangako ng mga grupo na hindi naman kumakatawan sa mamamayan. Kaya naman kailangan na talaga na kumilos ng mamamayan!

 

No comments:

Post a Comment